Wiggins pinapirma ng Cleveland, pero...
MANILA, Philippines - Pinapirma ng Cleveland Cavaliers ang No. 1 overall draft pick na si Andrew Wiggins ngunit hindi ito katiyakan na sa nasabing koponan ito maglalaro.
Sa pagpirma sa kontrata ng Cavaliers, si Wiggins ay hindi puwedeng 1-trade sa loob ng 30 araw. Ang kontrata niya sa Cleveland ay tinatayang nasa $5.5 milyon at magtatagal sa loob ng apat na taon.
Si Wiggins ay napaulat na nais na isama sa palitan sa pagitan ng Cleveland at Minnesota Timberwolves para sa All-Star forward na si Kevin Love.
Matatandaan na bumalik na sa koponan ang dating pambato na si LeBron James at nais ng koponan na sangkapan pa ito ng mga mahuhusay na manlalaro para matulad sa ginawa ng Miami Heat.
Si James ay naglaro sa Heat at nakasama sina Chris Bosh at Dwayne Wade at nabigyan nila ang koponan ng dalawang dikit na NBA title.
Si Kyrie Irving ang ikalawang manlalaro na tutulong sa Cleveland at isa na lamang ang kulang para makumpleto ang mga makakatulong kay James.
Bukod sa Cleveland, ang Chicago Bulls ay interesado rin na makuha ang serbisyo ni Love na itinuturing bilang isa sa mga matitinding power-forward sa NBA sa kasalukuyan.
- Latest