MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Asian Athletics Association (AAA) secretary-general Maurice Nicholas ang Philippine Olympic Committee (POC) na ayusin na ang pakikitungo sa PATAFA ngayong may bagong liderato na ang nakaupo rito.
“They (POC) should support all the national federation because that is their duty. They should work very well with PATAFA, which is a good standing member of the AAA,” wika ni Nicholas.
Hindi nakapagpadala ng kinatawan ang POC sa halalan kahapon sa Orchids Garden Suites Manila pero pinagtibay ang aktibidades ng pagdalo ng tatlong AAA officials bukod pa ng dalawang kinatawan ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Nakasama ni Nicholas sina Virginia Ang at A. Shuggumarran habang ang SEC ay kinatawan nina Atty. Rudolph Van Guarin at Atty. Erwin Mendinneto.
Ang dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman na si Philip Ella Juico ang iniluklok bilang bagong pangulo ng PATAFA kahalili ni Go Teng Kok na nanilbihan sa puwesto sa loob ng 24 taon.
Kahit si Juico ay naniniwala na maaayos ang gusot na kinasuungan ng PATAFA sa POC at PSC dahil may mga komunikasyon na silang ginawa bago pa man isinagawa ang halalan.
Isang General Assembly ang ipatatawag ng PATAFA sa Nobyembre kasabay ng National Open sa Pangasinan para maisaayos pa ang ilang probisyon sa Constituiion at By-Laws ng PATAFA bago isumitte sa POC.
Batas ng SEC ang ginamit sa halalan at naunang nagluklok ng 10 kinatawan ang mga botante bago nagbotohan ang mga napili kung sino ang mauupong opisyal.
Si Alipio Fernandez ang inilagay bilang chairman, si Atty. Nicanor Sering bilang vice president, si Lucy Arciaga bilang treasurer, Maricor Pachego bilang secretary at Jeanette Obiena bilang auditor.
Si Go ay nakasama bilang board member bukod kina Cagayan de Oro Congressman Rufus Rodriquez, Cham Teng Young at Pio Chua. (ATan)