MANILA, Philippines - Isasagawa sa Hulyo 26 at 27 ang pinakamalaking torneo ng Philippine Taekwondo Association na Smart National Championships sa Ninoy Aquino Stadium.
Tinatayang nasa 2000 jins, kasama ang mga kasapi ng national team, ang sasali sa dalawang araw na kompetisyon na suportado ng SMART Communication Inc., PLDT, Meralco, TV5, Milo, Philippine Sports Commission at MVP Sports Foundation.
Ang iba pang sasali ay ang delegasyon ng ARMM, CAR, CARAGA, NCR, Ateneo, DLSU, CSB, UST, UE, FEU, LSGH, Lyceum, San Beda College, Don Bosco Makati, UP Diliman, DPS, Central Gymnasium, Negros Taekwondo Union, Cebu, DLSZ, Las Piñas, Philippine Navy, Philippine Air Force, Philippine Army at PNP.
Ang kompetisyon ay sisimulan sa ganap na alas-9 ng umaga sa Hulyo 26 habang ang opening ceremony ay gagawin kinabukasan ng ala-1 ng hapon at sina Philippine Olympic Committee (POC) president Jose Cojuangco, Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia at PSC commissioner Wigberto Clavecilla ang mga pangunahing personalidad na dadalo sa seremonya.
Ayon kay Organizing Committee Chairman Grad Master Sung Chon Hong, ang palaro ay gagamitan ng Protective Scoring (PSS), Electronic Scoring (ESS) at Daedo PSS bukod sa Instant Video Replay (IVR) para mabawasan ang human error.
Team event ang kompetisyon at ang isang koponan ay limang fighters at dalawang alternates. Ang mga dibisyong paglalabanan ay ang senior, junior, cadet at grade para sa kalalakihan at kababaihan.