Altas itataya ang malinis na Karta vs Bombers
MANILA, Philippines - Panatilihin ang hawak sa ikalawang puwesto ang nais ng Perpetual Help Altas sa pagbabalik ng 90th NCAA men’s basketball ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-2 ng hapon mapapalaban ang Altas kontra sa host Jose Rizal na balak na bumangon matapos matalo sa huling laro.
Ang San Sebastian at Arellano ang magpapang-abot sa ikalawang laro at ang mananalo ang mananatili sa ikatlong puwesto.
Bitbit ng dalawang koponan ang 3-1 karta at puwede pang makuha ng mananalo ang ikalawang puwesto sa 10-koponang liga kung malasin ang Altas na sa ngayon ay may 3-0 karta.
Ito na ang pinakamagandang panimula ng Perpetual sapul nang pumasok si coach Aric Del Rosario sa koponan at ang maidaragdag na panalo ay maglalapit pa sa Altas sa nangungunang San Beda na may 5-0 baraha.
“Unpredictable ang JRU kaya’t hindi puwedeng magkumpiyansa,” wika ni Del Rosario.
Si Earl Scottie Thompson na gumawa ng kauna-unahang triple-double sa season ang muling mamumuno sa Altas.
Naghahatid si Thompson ng matikas na 22.7 puntos, 11 rebounds, 7 assists, 2 steals at isang block.
Sina Juneric Baloria at Harold Arboleda ang iba pang sasandalan ng Altas para manatiling walang talo pa sa liga.
Handa namang sabayan ng Bombers ang laro ng Altas para makabangon agad mula sa 80-84 pagyuko sa Lyceum Pirates.
Sina Philip Paniamogan at Michael Mabulac ang aasahan ni JRU coach Vergel Meneses pero mapapaganda ang tsansang manalo kung may iba pang makakatulong sa bench ang dalawang ito.
- Latest