FIBA humanga sa hosting ng 3x3

MANILA, Philippines - Napahanga ng Sama­hang Basketbol ng Pilipinas ang  international  body FIBA matapos ang matagumpay na 2014 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters na ginawa noong Sabado at Linggo sa Mega Fashion Hall ng SM Megamall.

May 12 koponan na binuo ng walong dayuhang bansa at apat na local teams, ang sumali sa kompetisyon at pinalad pa sina PBA players Terrence Romeo ng Glo­balport, Rey Guevarra ng Meralco, Aldrech Ramos ng NLEX at KG Canaleta ng Talk N’ Text ng Manila West na talunin ang naglalakihang Qatar team, 21-17, sa cham­pionship kamakalawa.

Naiuwi rin ng Manila West ang $10,000.00 unang gantimpala habang ang Qatar ay may $5,000.000 premyo.

 Pareho ring umabante ang dalawang koponan sa World Tour Final sa Tokyo, Japan na gagawin mula Oktubre 11 at 12.

Ang mga FIBA 3x3 officials na sia Alex Sanchez at Ignacio Soriano ang personal na sumaksi sa kaganapan at pareho silang natuwa sa kinalabasan dahil ito ang unang pagkakataon na ang liga ay ginawa sa isang mall.

Dahil dito, inalok ng dalawa ang NSA na pinangu­ngu­nahan ni Manny V. Pangilinan ng anumang tulong para lumakas pa ang 3x3 hindi lamang sa Pilipinas kungdi sa rehiyon.

Titingnan ng SBP ang kanilang programa sa grassroots sa huling buwan ng taon para tingnan kung paano maipapasok pa ang mas pinag-ibayong programa sa 3x3.

Ang SM Prime Holding Inc. na pinamumunuan ng pa­ngulong si Hans Sy, ay handa ring makipagtulungan kay Pangilinan sa mga susunod pang proyekto sa 3x3.

Kasabay nito ay tutulak ngayon si SBP executive director Sonny Barrios patungong Doha para dumalo sa FIBA Asia Congress at Election.

Hanap ng nakaupong FIBA Asia president Sheikh Saud Bin Ali-Al-Thani ng Qatar mailuklok uli sa puwesto para manilbihan mula 2015 hanggang 2019.

 

Show comments