MANILA, Philippines - Iniwan ni Calvin Abueva ang asawa na nakatakdang manganak kahapon para tulungan ang Manila North sa 21-11 panalo sa Xinzhuang ng Chinese Taipei sa pagsisimula kahapon ng 2014 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters sa Mega Fashion Hall sa SM Megamall.
Dumating si Abueva sa pagpasok ng 4:31 sa 10 minutong labanan at nangyari ito sa puntong wala na si Ian Sangalang bunga ng sprained ankle habang ginagamot ang kilay ni Vic Manuel matapos makabanggaan ang isang Taiwanese player.
Sina Abueva at Jake Pascual ang nagtambal laban sa tatlong katunggali ngunit hindi umubra ang Taiwanese trio dahil inangkin ng 6’3 Alaska Aces forward ang pitong sunod na puntos upang ang 9-all ay naging 17-11 kalamangan.
“Nahuli ako dahil manganganak ang asawa ko. Pero hindi pa naman kaya iniwan mo muna siya,” ani Abueva na tumapos taglay ang siyam na puntos.
Sunod na hinarap ng koponan ang Auckland team at natalo sila sa 11-16 iskor pero umabante pa rin ang Manila North sa knockout quarterfinals ngayong hapon dahil may 0-2 baraha ang Chinese Taipei team sa Pool C.
Tinalo rin ng national U-18 champion team Manila South ang Medan, Indonesia habang ang Manila West na binubuo nina Terrence Romeo, KG Canaleta, Rey Guevarra at Aldrech Ramos, ang Medan Indonesia at Kobe, Japan para umusad din sa knockout round.
Nagpakawala ng apat na sunod na two-point shot si Joshua Irvin Ayo para bitbitin ang Manila South sa 17-13 panalo sa Pool A habang sinandalan ang magandang shooting nina Romeo, Canaleta at Guevarra para sa 21-9 paglampaso sa Japan team sa Pool B.
Ang mga kabiguan ng Indonesia at Japan ay kanilang ikalawang sunod para mabalewala ang pagkatalo ng Manila South at Manila West sa kamay ng Jakarta, Indonesia (12-21) at naglalakihang Doha, Qatar (17-21) at manatiling buhay ang paghahabol sa puwesto sa World Tour Final sa Tokyo sa Oktubre 11 at 12.