MANILA, Philippines - Hindi napigilan ng Pilipinas ang starters ng Iran para mamaalam na sa 5th FIBA Asia Cup sa masakit na 55-76 pagyuko sa semifinals kagabi sa Wuhan Sports Centre sa Wuhan, China.
Isang beses lamang lumamang ang Gilas Nationals team sa laro mula sa jumper ni Gary David bago nagsimulang magdomina ang mas malalaking Iranians upang umabante ang nagdedepensang Iran sa championship round.
May 65 puntos ang starting five ng Iranians laban sa 35 lamang ng Nationals na haharapin ang matatalo sa China at Chinese Taipei para sa ikatlong puwesto sa pagtatapos ng kompetisyon ngayong araw.
Si Mohammad Jamshidi ay may 19 puntos habang sina Behnam Yakhchalidehkordi, Hamed Hadadi at Sajjad Mashayekhi ay nag-ambag ng 18, 11 at 10 puntos.
Si Oshin Sahakian ay may pitong puntos pero lahat ito ay ginawa sa first quarter para itulak ang Iranians sa 20-13 kalamangan.
Lumaki ito sa 11 sa halftime, 39-28, bago lumobo ito sa 20, 55-35, sa free throws ni Yakhchalidehkordi. Ang pinakamalaking lamang sa laro ay ang pinal na iskor ng laro.
Sina David, LA Tenorio at Ranidel De Ocampo ay may tig-11 puntos pero bumaba ang laro ni Paul Lee at naturalized center Marcus Douthit.
Ang top scorer ng koponan sa naunang limang laro na si Lee ay may apat na puntos lamang sa 2-of-9 shooting habang ang 6’9 na si Douthit ay may anim na puntos mula sa masamang 2-of-13 shooting.
Ito ang ikalawang pagkakataon na yumuko ang Pilipinas sa Iran dahil natalo rin ang Gilas sa nasabing koponan sa finals ng 2013 FIBA Asia Men’s Championship, 71-85.
Iran 76 – Jamshidi 19, Yakhchalidehkordi 18, Hadadi 11, Mashayekhi 10, Sahakian 7, Zangeneh 5, Lalehzadeh 3, Arghavan 2, Kazemi 1, Kardoust 0.
The Philippines 55 – De Ocampo 11, David 11, Tenorio 11, Douthit 6, Washington 5, Aguilar 4, Lee 4, Dillinger 3, Alas 0, Lanete 0, Belga 0, Fajardo 0.
Quarterscores: 20-13, 39-28, 61-44, 76-55