Alcala, Gadi papalo sa Last 16 sa Smart Nat’l Open Badminton

MANILA, Philippines - Pinangatawanan nina Antonino Benjamin Gadi at Malvinne Alcala ang pagi­ging number one sa kanilang dibisyon nang umabante sa Round of 16 sa SMART National Open Badminton Tournament kahapon sa Powersmash Badminton Center sa Chino Roces Avenue, Makati City.

Kinalos ni Gadi si Ethan Joshua Viscara Malelang, 21-19, 21-14, para umusad sa Last 16 sa  men’s singles.

Makakalaban ni  Gadi si Orlan Ticala na nanalo kay John Paul Yabut ng UST, 21-12, 21-14.

Si Alcala ay nangi­ba­baw kay Danica Peligrino ng La Salle sa women’s singles, 21-9, 21-14, upang itakda ang pagkikita nila ni Mariya Angela Sevilla na pinagpahinga si Joyce Tan ng Team Prima, 21-10, 21-17.

Ang iba pang nanalo sa kalalakihan ay sina Ros Leenard Pedrosa, Lance Ericson Bautista, John Kenneth Monterubio, Rover Jay Babatido, Kevin Dalisay, Stijn De Langhe, Michael Kevin Cudiamat at Dea Adirangga.

Suportado ng Smart Telecommunication sa pa­ngunguna ni Chairman Manny V. Pangilinan at may basbas ng Philippine Badminton Association (PBA), mahigit na 500 manlalaro ang sumali sa kom­petisyong may ayuda pa ng MVP Sports Foundation, PBA, Smart Live More, Sun Cellular, Smash Philippines at Babolat at bahagi ng Philippine National Ranking System.

Show comments