MANILA, Philippines - Inangkin ni Rhenzi Kyle Sevillano ang titulo sa juniors division matapos umiskor ng 3.5 puntos sa huling apat na rounds, habang pinangunahan naman ni Vic Glysen Derotas ang kiddies division para makuha ang top female honors na kumumpleto sa dominasyon ng University of San Carlos sa National Youth Active Chess Championship, Visayas leg na ginanap sa SM Event Center, Consolacion, Cebu noong Linggo.
Tinalo ni Sevillano si third-seed Allan Pason sa 9-round Swiss System tournament samantalang sinigurado nina Diego Claro at Vincent Balena ang puwesto para sa 20-and-under division sa pamamagitan ng 8 puntos.
Nanalo sa unang limang laro si Balena, kasama ni Claro na tumapos sa 7.5 puntos upang talunin sina USC mainstay Balbona at Pason ng University of San Jose-Recoletos sa isang tiebreak para makapasok sa grand finals ng third leg sa six-staged nationwide circuit ng Pilipinas Shell.
Samantala, naipanalo naman ni Adelaide Lim ng University of St. La Salle ang tatlo sa huling tatlong laban upang makisalo sa limang kalahok sa panlimang pwesto at angkinin ang nag-iisang slot para sa female players sa national finals na idaraos sa Oktubre 11-12 sa SM Megamall.
Kinumpleto ni Derotas ang pangunguna ng USC sa pagdomina sa 14-and-under side matapos talunin sina Valerio Mangubat ng West Negros University, Adrian De Luna at James Pason ng Sta. Barbara Central School. Ang apat ay mayroong 7.5 puntos ngunit si Mangubat ang kumuha ng isang pwesto para sa grand finals.(MerrowenMendoza-trainee)