MANILA, Philippines - Tunay na mapapalaban ang Gilas national team sa gaganaping PLDT ‘Last Home Stand’ sa Smart Araneta Coliseum sa susunod na linggo matapos isama pa sina James Harden ng Houston Rockets, Tyson Chandler ng Dallas Mavericks at Brandon Jennings ng Detriot Pistons sa makakalabang koponan na Team Fibr All-Stars.
“WOW! Completing our Fibr AllStars is 1st Team All-League guard James Harden w Tyson Chandler & Brandon Jennings.. Game na!” tweet ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manny V. Pangilinan (@iamMVP).
Ito ang ikalawang pagkakataon para kay Harden na maglaro sa Pilipinas matapos makasama ng NBA selection na nagsagawa ng dalawang exhibition games noong 2011.
Ang pagpasok ng tatlong NBA players ang kukumpleto sa koponang makakasukatan ng tropa ni coach Chot Reyes sa Hulyo 22 at 23.
Ang iba pang darating ay sina NBA All-Star guard Paul George ng Indiana Pacers, 2014 NBA Finals MVP Kawhi Leonard ng San Antonio Spurs, Blake Griffin ng Los Angeles Clippers, Demar DeRozan, Terrence Ross at Kyle Lowry ng Toronto Raptors, Damian Lillard ng Portland Trail Blazers, Ed Davis ng Memphis Grizzlies at Rockets rookie Nick Johnson.
Bagamat exhibition games lamang, magkakaroon ng pagkakataon ang mga manonood na makita ang kapasidad ng nationals laban sa ipadadala ng US team sa FIBA World Cup sa Spain sa Agosto.
Sa ipinalabas na 19 na manlalaro na pagmumulan ng US Team ay kasama rito sina George, Griffin, Harden, Lillard, at DeRozan.
May pananabik din si national coach Chot Reyes na gabayan ang Gilas sa mga NBA players.
“Grabe w James Harden we have a 1st team AllStar. Tyson Chandler gives them a legit Center & Brandon Jennings gives them 3 PGs to match ours,” wika ni Reyes sa tweeter.