Tres ni De Ocampo gumiba sa Jordan
MANILA, Philippines - Naipasok ni Ranidel De Ocampo ang mahalagang three-pointer bago pinagmasdan ng Nationals ang nadiskaril na winning play ng Jordan para maitakas ang 71-70 panalo sa pagtatapos ng group stages ng 5th FIBA Asia Cup kagabi sa Wuhan Sports Center, Wuhan, China.
Tumapos ang 6’6 na si De Ocampo bitbit ang 14 puntos, kasama ang apat na tres. Ang huling triple ni De Ocampo ang bumasag sa 68-all iskor sa huling 35.2 segundo.
Dalawang segundo matapos nito ay nagsalpak ng dalawang free throws si Rashim Wright mula sa foul ni Jared Dillinger bago nalagay sa alanganin ang panalo para sa Gilas National team nang sumablay sa malapitang buslo si LA Tenorio, may 12 segundo pa nalalabi sa orasan.
Ngunit sa halip na inatake ang depensa ng Nationals, pinili ng Jordanian team na hawak ni dating Gilas coach Rajko Toroman na ibigay ang bola kay Wesam Al-Sous na nasa 3-point line.
May tatlong tres sa second half, minalas na sumablay si Al-Sous sabay tunog ng pinal na buzzer at ibigay kay coach Chot Reyes ang ikatlong sunod na panalo para pangunahan ang Group B.
Pahinga ang aksyon ngayon bago bumalik bukas at katapat ng Pilipinas ang India na siyang tumapos sa ikaapat na puwesto sa Group A.
Si Paul Lee ang nanguna uli para sa Pambansang koponan sa 16 puntos bukod sa 5 assists habang ang naturalized center na si Marcus Douthit ay may 13 puntos at 9 rebounds.
May 14 puntos si Al-Sous, may 13 si Ahmad Al Dwairi at si Wright ay may 11, kasama ang huling walong puntos sa laro ng Jordan na tumapos pa rin sa 1-2 karta.
Ang China ang siyang lumabas na number one sa Group A sa 3-1 karta bago sinundan ng Iran (3-1), Japan (2-2) at India (2-2). Namaalam sa grupo ang Indonesia na hindi nakatikim ng panalo matapos ang apat na laro. (AT)
Philippines 71 – Lee 16, De Ocampo 14, Douthit 13, Dillinger 9, Belga 7, Tenorio 4, David 4, Alas 2, Fajardo 2, Washington 0, Lanete 0.
Jordan 70 – Al-Sous 14, Al Dwairi 13, Wright 11, Alawadi 9, Hussein 7, Eid 7, Alharmasheh 7, Abu Ruqayah 2, Abdeen 0.
Quarterscores: 17-12, 30-30, 49-52, 71-70.
- Latest