Turbo Boosters inupuan ang silya sa quarters

Pinaluan ni Ann Latigay ng PLDT Home  Telpad si Michelle Datuin ng PNP sa Shakey’s V-League Open Conference  sa The Arena. (Jun Mendoza)

MANILA, Philippines - Nagtambal sina Sue Roces at Lou Ann Latigay sa 19 kills at ito ay kapos lamang ng lima sa kabuuang naitala ng PNP Lady Patrollers para sa 25-13, 25-17, 25-19, straights sets panalo ng PLDT Home Telpad sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa  San Juan City.

Nagpakawala ng 44 kills ang Turbo Boosters tungo sa 20 kills abante sa PNP para iangat sa 4-0 ang karta at okupahan na rin ang unang upuan sa quarterfinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

“Kailangan namin na manalo ng manalo para gumanda ang confidence ng mga players,” ani coach Roger Gorayeb na humugot ng 13 at 9 puntos kina Roces at Latigay.

Umani pa ng 10-0 kalamangan ang PLDT sa service ace bukod sa 5-4 kalamangan sa blocks para maisantabi ang 21 errors.

May apat na aces si Ma. Rosario Soriano tungo sa pitong puntos upang suportahan ang tig-walo na ginawa nina Ryzabelle  Devanadera, may tatlong blocks din, at Rubie de Leon.

Naunang kumurap ang National University Lady Bulldogs para ibigay sa mas beteranang Cagayan Valley Lady Rising Suns ang 26-24, 25-22, 27-25, tagumpay sa ikalawang laro.

Ikalawang panalo sa tatlong laro ito para sa Lady Rising Suns habang bumaba ang National University na kumuha ng 14 kills at 3 blocks tungo sa 17 marka kay Jaja Santiago, sa 1-2 karta.

Show comments