George lalaro rin sa Gilas ‘Last Home Stand’

MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon ay muling mapapanood ng mga Filipno fans si Indiana Pacers superstar Paul George.

Sa kanyang Twitter account na @iamMVP ay ibinunyag kahapon ni businessman/sportsman Manny V. Pangilinan ang pagkakadagdag ni George sa listahan ng mga NBA players na magiging bahagi ng Gilas ‘Last Home Stand’ na nakatakda sa Hulyo 22-23 sa Smart Araneta Coliseum.

“What a nice bday surprise - We welcome All-Star Paul George back to Manila for #GilasLastHOMEStand - mapapaLABAN sina Gabe, Ping, Jeff dito,”  tweet ni Pangilinan sa pagharap ni George kina Gabe Norwood, Marc Pingris at Jeff Chan ng Gilas Pilipinas.

Si George ay unang napanood ng mga Filipino fans noong nakaraang taon sa kauna-unahang NBA pre-season game sa Manila kung saan nakalaban ng Pacers ang Rockets.

“We are going to give the Gilas National Team a real workout in honor of your birthday next week! Watch out!,” sagot naman ni George sa kanyang Twitter account na @Paul_George24.

Naidagdag din sa grupo ng mga NBA players na sasagupa sa Gilas Pilipinas si Terrence Ross ng Toronto Raptors.

“MVP I think what you do in honor of your birthday for the Filipinos is ama­zing. Giving back is why we do what we do. See you soon!,” sabi naman ni Ross.

Makakasama nina George at Ross sa NBA Selection sina San Antonio Spurs forward at 2014 NBA Finals Most Valuable Player Kawhi Leonard, DeMar DeRozan at Kyle Lowry ng Toronto Raptors, Blake Griffin ng Los Angeles Clippers, Damian Lillard ng Portland Trail Blazers, Paul Pierce ng Washington Wizards at Houston Ro­ckets’ rookie Nick Johnson.

Ito ang ikalawang pagkakataon na dadalhin sa bansa ni Pangilinan ang mga NBA stars matapos sina Kobe Bryant, ang NBA MVP Kevin Durant, Chris Paul, Derrick Rose, James Harden, Tyreke Evans, Derek Fisher, Derrick Williams at JaVale McGee sa Smart Ultimate All-Star Weekend noong 2011.

Pinaghahandaan ng Gilas Pilipinas ang FIBA World Cup sa Spain at ang  Asian Games sa Incheon, Korea.

 

Show comments