MANILA, Philippines -- Kahit wala na si two-time MVP Bobby Ray Parks Jr., walang naging problema ang National University at patunay dito ang kanilang dominanteng laro kontra University of Santo Tomas, 59-40, sa UAAP season 77 basketball tournament ngayong Linggo ng hapon sa Araneta Coliseum.
Ikinatuwa ni head coach Eric Altamirano ang naging depensa ng kanyang mga bata na naging susi upang maiuwi ang unang panalo.
"We were confident with our game, we played solid defense," banggit ni Altamirano na sumandal sa mainit na laro ni Gelo Alolino na umukit ng 13 markers.
Ikinagulat din ng beteranong coach ang kanilang 19 puntos na kalamangan laban sa last year's finalist na UST.
"Honestly I didn't expect to win with a big margin, basta kami we just wanted to focus on our defense."
Lumayo ang Bulldogs sa ikatlong yugto nang laro matapos bumulusok sila ng 12-2 run sa likod ng floater ni Alolino upang makuha ang, 37-23, na kalamangan na may 5:02 natira sa oras.
Nakabawi na ang Bulldogs sa kahihiyang inabot nila nitong nakaraang taon matapos silang pabagsakin ng Growling Tigers sa Final Four kahit kargado sila ng twice-to-beat advantage.
Nawala na rin sa kanilang koponan si Parks na sinusubakan ang kanyang swerte sa ibang bansa kung saan nag-ensayo siya sa Los Angeles Lakers.
"I told them that we have to move on, kailangan namin pagtulungan ito."
Samantala, napantayan naman ng UST ang lowest output ng De La Salle University noong Setyembre 8, 2011 sa kamay din ng NU Bulldogs, 56-40.
Matapos ang opening weekend ay magkakasama sa win column ang NU, Ateneo de Manila University, Far Eastern University, at University of the East, habang talunan naman ang UST, DLSU, Adamson University, at University of the Philippines.