MANILA, Philippines - Nagpakawala ng limang three-pointers ang Gilas national team sa huling yugto upang mapawi ang di magandang paglalaro sa ikatlong canto tungo sa 78-64 panalo sa Chinese Taipei sa pagsisimula ng kampanya sa 5th FIBA Asia Cup kahapon sa Wuhan Sports Center, Wuhan, China
Tig-dalawang triples ang ginawa nina Gary David at ang baguhan sa koponan na si Paul Lee at pasiklabin ang 31-14 palitan para matabunan ng Pambansang koponan ang 47-50 iskor sa pagtatapos ng pangatlong yugto.
Ang buslo ni Taiwanese naturalized center Quincy Davis ang huling nagpatikim ng kalamangan sa kanyang koponan, 54-52, bago sina David, Lee at Ranidel De Ocampo ay nagpakawala ng tatlong triples sa 13-0 bomba at ilayo ang Pilipinas sa 11 puntos, 65-54.
Tumapos si Lee taglay ang 18 puntos na sinangkapan ng 4-of-7 shooting sa 3-point arc habang si David ay may 16 puntos kasama ang tatlong tres.
Sina De Ocampo at LA Tenorio ay naghatid ng tig-11 puntos habang si Marcus Douthit ay mayroong 16 rebounds para isama sa kanyang 8 puntos, 3 blocks at 2 assists.
Tinutukan din nito si Davis na matapos gumawa ng 21 puntos at 17 board sa 85-63 dominasyon sa Jordan sa unang laro noong Biyernes ay nakontento sa pitong puntos at 9 boards.
Ang panalo ay pambawi ng Pilipinas matapos malusutan ng Taiwan noong 2013 FIBA Asia Men’s Championship sa bansa.
Masama ang shooting sa 3-point line ng Taiwanese team matapos ang 8-of-25 performance at nakalamang din ang Pilipinas sa rebounds (48-36) at assists (21-17).
Pahinga ngayon ang Gilas bago bumalik sa aksyon bukas laban sa Singapore.