SAO PAOLO, Brazil--Nagtala ng dalawang saves si goalkeeper Sergio Romero habang si Maxi Rodriguez ang siyang naghatid sa winning goal para umabante ang two-time champion Argentina sa FIFA World Cup Finals sa 4-2 penalty shootout panalo laban sa Netherlands kahapon.
Nauwi sa shootout ang semifinals match nang walang nakapuntos matapos ang mahabang 120-minutong paglalaro.
Nasalo ng 27-anyos at nasa ikalawang sunod na paglalaro sa World Cup na si Romero ang mga attempts galing kina Ron Vlaar at Wesley Sneijder para masuklian ang di pagsablay ng apat na Argentinian booters upang makalaro uli ang koponan sa championship matapos ang 24 taon.
“I’m really happy with everything,” ani Romero.
Ito ang unang pagkakataon sa semifinals ng World Cup na nauwi ang laro sa penalty shootout at handa ang Argentina sa bagay na ito nang walang sumablay sa apat na inilinya ni coach Alejandro Sabella.
Ang pamosong manlalaro ng Argentina na si Lionel Messi ang siyang bumasag sa kawalan ng goal sa laro bago sinundan nina Ezequiel Garay, Sergio Aguero at Rodriguez.
May pressure ang attempt ng pamalit na si Rodriguez dahil nakasalalay ang panalo ng koponan.
Pero nagawang palobohin ni Rodriguez ang bola para hindi maabot ng Dutch goalie na si Jasper Cillessen.
Bago ito ay nakitaan ng magandang laro si Cillessen matapos magtala ng apat na saves sa kaagahan ng labanan.
Huling tumapak ng championship ang Argentina ay noon pang 1990 at natalo sila sa Germany sa 1-0 iskor na ginawa sa Italy.
Ang Germans ang siya ring katunggali ng Argentina para sa titulo sa taong ito at ito na ang kanilang ikatlong pagkikita ng dalawang bansa dahil sila rin ang nagtuos noong 1982 sa Spain na napagharian ng Argentina sa 3-2 iskor.
Ang unang titulo ng Argentina ay nangyari noong 1978 na ginawa sa kanilang bansa at ang tinalo ay ang Netherlands, 3-1.
Ang Germany na dinurog ang host Brazil, 7-1, ay nagbabalak na kunin ang ikaapat na World Cup title matapos magkampeon noong 1954, 1974 at 1990 bilang West Germany.
Makikipagtuos naman ang Netherlands sa Brazil para sa ikatlong puwesto.