MANILA, Philippines - Sinandalan ng AFP ang tibay ng dibdib nang angkinin ang 74-73 come-from-behind panalo laban sa PNP Responders at iuwi ang UNTV Cup Season 2 title na pinaglabanan noong Martes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sina Winston Sergio, Wilfred Casulla at Roland Pascual ang nagkapit-bisig para manalo ang Cavaliers kahit naiwanan ng pitong puntos ng Responders sa kalagitnaan ng huling yugto.
Ang magandang pasa sa nalibre sa ilalim na si Casulla ang tuluyang nagbigay ng kalamangan sa AFP, 72-71.
Pinalawig ni Pascual ang bentahe sa tatlo, 74-71, sa pagpasok ng dalawang free throws mula sa foul ni Harold Sta. Cruz sa huling 34 segundo ng labanan.
Pero hindi agad bumigay ang Responders na nagbalak na higitan ang pangalawang puwestong pagtatapos sa Season 1.
Bumanat ng dalawang free throws si Olan Omiping para ilapit sa isa ang PNP bago bumalik ang bola sa koponan nang sumablay si Pascual.
Pero ipinilit ni Japhet Cabahug ang tira laban sa solidong depensa ng AFP para ibigay ang korona sa katunggali.
Halagang P1.5 milyon ang napasakamay ng AFP na kanilang ibibigay sa AFP Educational Benefit System Office (AFPEBSO) habang pakonsuwelong P650,000.00 ang napunta sa PNP.