PATAFA bibitawan na ni Go, Juico inendorso
MANILA, Philippines - Nagdesisyon na si Go Teng Kok na ituloy ang planong bitiwan na ang pampanguluhan ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) upang hindi magsakripisyo ang Pambansang atleta.
Pormal na inendorso ni Go si PATAFA chairman Philip Ella Juico para siyang makapalit sa PATAFA presidency sa pagpupulong kahapon kasama ang mga stakeholders.
Ang mga coaches ng UAAP at NCAA ay dumalo bukod pa ang ilang sumusuporta sa pangunguna ni James Lafferty na siyang nagsasanay at gumagastos sa pagbabalik ni SEA Games long jump queen Marestella Torres.
“Ilang taon ko na kaaway ang Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission. Kaya lahat ng request namin para sa mga atleta ay denied. Ako ang kanilang kalaban pero nagsasakripisyo rin ang mga atleta kaya nagdesisyon na ako na talagang bitiwan na ang PATAFA,” wika ni Go na inokupahan ang puwesto noon pang 1991.
Isang eleksyon ang gagawin ng PATAFA sa Hulyo 25 at masasabing pormalidad na lamang ito dahil tanggap ng lahat ng stakeholders si Juico para maging bagong pangulo.
Hindi tiyak kung may dadalo sa hanay ng POC para saksihan ang kaganapan pero magiging lehitimo ang aksyon na ito ng PATAFA dahil sa pagdating ng kinatawan mula sa international bodies na International Association of Athletics Federations (IAAF) at Asian Athletics Association (AAA).
Handa namang harapin ang bagong hamon ni Juico na opisyales din ng PhilCycling at ng Sports Core na nasa likod ng pagkakatatag ng Philippine SuperLiga. (ATan)
- Latest