MANILA, Philippines - Umabante ang mga miyembro ng Philippine junior team sa quarterfinal round matapos talunin ang kanilang mga karibal sa elimination round ng 1st Sun Cellular-Ming Ramos National Juniors Badminton Tournament Luzon Leg sa Powersmash Badminton Center sa Makati City.
Tinalo nina PBA-Smash Pilipinas national team members Ros Leenard Pedrosa, Alexis Geverjuan at Frell Keeyan Gabuelo ang kanilang mga kalaban sa elimination round ng boys’ 19-under singles event na may basbas ng Philippine Badminton Association (PBA).
Binigo ni Pedrosa si Kevin Ian Marcus Fabros ng Team Prima, 21-11, 21-6, habang pinayukod ni Geverjuan si Roberto Pineda ng Allied Victor-UP, 24-26, 26-24, 21-12, at giniba ni Gabuelo si John Paul Yabut ng MSI junior team, 21-9, 21-19.
Sinibak naman ni Rafael Nicolas Dionisio ng MSI junior team si Richard Paulino ng IJMS badminton team, 21-13, 21-12, para labanan si Pedrosa sa quarters.
Sasagupain naman ni Geverjuan si Benjamin Silva ng University of the East at haharapin ni Gabuelo si Ruben Haramel sa q’finals.
Tinakasan ni Silva si Carl Justine Eugenio ng Team Imus, 21-12, 21-17, at sinapawan ni Haramel si Zedrick Paul Montemayor ng Escoses, 21-16, 21-1, sa elimination round.
Ang torneo ay suportado ng Sun Cellular, SMART Communications, Manny V. Pangilinan (MVP) Sports Foundation, Philippine Badminton Association Smash Pilipinas at Babolat.