BELO HORIZONTE, Brazil--Malaki ang paniniwala ng Brazil star na si Neymar na hindi makakaapekto ang kanyang pagkawala para magtagumpay ang nasabing bansa sa FIFA World Cup sa kanilang lugar.
Nabalian ng isang vertebra sa lower back si Neymar sa laro sa quarterfinals laban sa Colombia upang mapahinga na siya sa taong ito.
Nanghihinayang ang 22-anyos striker dahil pinangarap niya na makalaro sa World Cup Final bagay na hindi mangyayari sa taong ito.
“I won’t be able to fulfill the dream of playing in a World Cup final, but I’m sure they will win this one, they will become champions and I will be there with them and all of Brazil will be celebrating together,” pahayag nito.
Kalaban ng host country ang Germany para makuha ang isang upuan sa championship.
Pero hindi maiwasan na magtanong ang mga panatiko ng Brazil kung sino ang pupuno sa puwestong iiwan ni Neymar.
Wala pang magandang ipinakikita si Fred at Hulk na naunang ipinalagay na may mga malaking papel na gagampanan sa kampanya ng Brazil.
Hindi rin makakasama ng koponan ang team captain na si Thiago Silva na nakuha ang ikalawang yellow card sa huling laro para sa awtomatikong one-game suspension.
Ito pa lamang ang ikalawang pagtutuos ng Brazil at Germany sa World Cup at nanalo ang host noong 2002 sa 2-0 iskor.
Di hamak na mas beterano ang mga Germans dahil nasa ika-13 pagkakataon na nasa semis na sila at pitong beses na pumasok sa final at tatlo rito ay kanilang pinagharian.
Ang mananalo sa larong ito ang siyang makakalaban ng magwawagi sa pagitan ng Argentina at Netherlands sa Linggo.