Lady Eagles, Power Attackers agawan naman sa Win No. 2: Lady Troopers, Air Spikers magkakasubukan
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. Air Force vs Army
4 p.m. Ateneo vs PLDT Home Telpad
MANILA, Philippines - Kakapit pa ang dating kampeong Philippine Army Lady Troopers sa unang puwesto sa pagbangga sa malakas na puwersa ng Philippine Air Force Air Spikers sa pagpapatuloy ngayon ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Galing sa straight sets panalo ang magkabilang koponan kaya’t tiyak na nasa kondisyon ang kanilang manlalaro sa bakbakan na itinakda sa ganap na alas-2 ng hapon.
Tampok na laro dakong alas-4 ng hapon ay sa hanay ng UAAP champion Ateneo Lady Eagles at PLDT Home Telpad Power Attackers at pag-aagawan din nila ang ikalawang sunod na panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Labanan ng mga mahuhusay na spikers ang matutunghayan sa tagisan ng Lady Troopers at Air Spikers dahil parehong may mahuhusay na mamamalo ang dalawang koponang ito.
Sina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga at MJ Balse ang mangunguna sa Army sa pagdadala ng setter na si Tina Salak habang sina Joy Cases, Maika Ortiz, Judy Ann Caballejo at setter Rhea Dimaculangan ang ipantatapat ng Air Force.
Magtutulong uli sina Alyssa Valdez, Amy Ahomiro, Dennis Lazaro at Julia Morado ang magtutulong uli para manatiling walang talo ang Lady Eagles.
Hindi pa tiyak kung magagamit na ng Power Attackers ang mga bagong kuhang manlalaro sa pangunguna ni Dindin Santiago pero solido pa rin ang kanilang arsenal dahil sa katauhan nina Gretchel Soltones, Charo Soriano at Suzanne Roces.
- Latest