Mixers tanaw na ang Grand Slam: Fajardo hinirang na MVP

Hawak ni June Mar Fajardo ng San Miguel Beer ang kan­­yang MVP trophy. (Joey Mendoza)

Laro Bukas

(Smart Araneta Coliseum)

8 p.m. Rain or Shine vs San Mig Coffee (Game 4)

 

MANILA, Philippines - Alam ng Mixers kung kailan aatake at paano hihigpitan ang kanilang depensa.

Lumapit sa kanilang inasam na PBA Grand Slam ang nagdedepensang San Mig Coffee matapos gibain ang Rain or Shine, 78-69, sa Game Three ng 2014 Go­vernos’ Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Angat sa 2-1 sa kanilang best-of-five championship series, may pagkakataon ang Mixers na tapusin ang Elasto Painters sa Game Four bukas at angkinin ang pambihirang Grand Slam.

“You can’t talk about it until it’s done,” sabi ni head coach Tim Cone. “We have too much respect for this team. This is the mentally strongest team you’ll play, they don’t break.”

Binuksan ng San Mig Coffee ang laro sa 11-2 abante bago ito palakihin sa 39-30 sa halftime.

Ganap na naagaw ng Rain or Shine ang unahan sa 59-58 mula sa dalawang sunod na basket ni Beau Belga sa pagsisimula ng fourth quarter.

Ngunit isang 12-2 atake ang isinagot ng Mixers sa likod nina Mark Barroca, ve­teran Rafi Reavis at rookie Ian Sangalang para iposte ang 70-61 kalamangan hanggang iwanan ang Elasto Painters sa 78-66 sa huling 46 segundo ng laro.

Samantala, hinirang naman si San Miguel Beer giant June Mar Fajardo bi­lang 2014 PBA Most Va­luable Player.

Ito ang ikalawang individual award ng 6-foot-10 na si Fajardo ngayong 39th season ng PBA.

Kumolekta si Fajar­do ng average na 37.2 statistical points (SPs) sa kabuuan ng season sa likod ng kanyang 16.8 points, league-high 14.2 rebounds, 2.1 blocks at 1.4 assists per game.

Inungusan ng 24-anyos na si Fajardo para sa MVP award sina Asi Taulava ng Air21 (ngayon ay NLEX) at Jayson Castro ng Talk ‘N Text.

Kasama rin si Fajardo sa 2014 PBA Mythical 1st Team bukod pa kina Castro, Taulava, De Ocampo at Mark Barroca.

Miyembro rin ng All Defensive Team si Fajar­do kasama sina Barroca, Marc Pingris, Gabe Norwood at Jireh Ibañes.

Si seven-foot center Greg Slaughter ang hinirang na 2014 PBA Rookie of the Year.

Kasama si Slaughter sa Mythical 2nd Team bukod kina Pingris, Paul Lee, PJ Simon at Sonny Thoss, habang si two-time PBA MVP Willie Miller ng Barako Bull ang nakakuha ng Sportsmanship Award.

San Mig Coffee 78 - Blakely 17, Sangalang 13, Devance 10, Simon 10, Pingris 7, Yap 7, Barroca 6, Reavis 6, Melton 2, Maliksi 0.

Rain or Shine 69 - Reid 31, Belga 8, Cruz 6, Araña 6, Almazan 4, Chan 4, Tiu 3, Ibañes 2, Lee 2, Norwood 2, Rodriguez 1, Tang 0, Nuyles 0.

Quarterscores: 17-14; 39-30; 58-55; 78-69.

Show comments