MANILA, Philippines - Ang kontrata sa US team ang nagbabawal kay Super GM Wesley So para makasama siya sa Pambansang koponan na balak ipadala sa World Chess Olympiad sa Tromso, Norway.
Matatandaan na si So ay pinangalanan ni NCFP president Prospero Pichay para mapabilang sa limang Grandmasters na isasali sana sa prestihiyosong kompetisyon mula Agosto 1 hanggang 15.
Ayon kay NCFP executive director GM Jayson Gonzales, nagpadala ng opisyal na komunikasyon si So sa NCFP upang ipaalam na hindi siya makakasalli dahil may kontrata siya sa US bilang coach ng kanilang koponan,.
“Yes, officially he declined to play for the country because he has an existing contract with the US team,” pahayag ni Gonzales.
Wala namang kaso sa NCFP ang desisyong ito ng 20-anyos na GM dahil nauunawaan nila na live ang kontrata nito sa US team.
“We respect his decision. Ang gagawin lamang natin ay papalitan siya,” paliwanag pa ni Gonzales.
Ang 16-anyos IM na si Paolo Bersamina ang siyang sinisipat ng NCFP para ipalit sa puwesto ni So dahil ito ang pumangatlo sa idinaos na Battle of the Grandmasters kamakailan at napagharian ng Asia’s first GM at 62-anyos na si Eugene Torre.
Bukod kina Torre at Bersamina, ang nasa US na GMs na sina Julio Catalino Sadorra at Oliver Barbosa at ang pumangalawa sa Battle of the GM na si John Paul Gomez ang siyang kakatawan sa Pambansang koponan na magbabalak na pantayan o higitan ang seventh place pagtatapos na naitala ng Pilipinas noong 1988 sa Thessaloniki, Greece. (AT)