Flying spikers ibabandera si Gumabao vs Blaze spikers

MANILA, Philippines - Makakasama ng AirAsia Flying Spikers si dating UAAP Finals MVP Michelle Gumabao sa pagharap ng koponan sa Petron Lady Blaze Spikers sa 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Confe­rence provincial game sa Sabado.

Ang laro ay gagawin sa University of San Carlos Gym sa Cebu City at ang nasabing tagisan ay magsisimula matapos ang unang laro sa ganap na alas-4 ng hapon sa hanay ng Systema at Cignal sa kalalakihan.

Si Gumabao ay kasama sa line-up ng koponang pag-aari ni sports patron Dr. Mikee Romero pero hindi nakasama agad dahil kasali ito sa isang reality show sa telebisyon.

Pero natanggal na si Gumabao para magkaroon ng pagkakataon na tulungan ang AirAsia sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL.

“May dalawang practice sessions na siya pero hindi pa siya 100 percent sa kanyang kondisyon. Pero pagla­laruin ko siya laban sa Petron pero hindi siya magiging starter. Ipaparamdam muna sa kanya ang condition sa actual na laro para bumalik ang kanyang confidence at dating laro,” wika ni AirAsia coach Ramil De Jesus.

Galing ang Lady Blaze Spikers mula sa straight sets pagkatalo sa kamay ng Generika-Army Lady Troopers sa huling laro para maputol ang tatlong dikit na panalo.

May 3-2 karta ang AirAsia at kung sila ang manalo ay sasaluhan nila ang Lady Troopers at RC Cola-Air Force Raiders sa unang puwesto.

Inihayag naman ni PSL at Score president Ramon ‘Tats’ Suzara na ang Cebu ang kani­lang pinili para pagdausan ng laro dahil maraming talento sa volleyball ang nasabing lugar.

 

Show comments