MANILA, Philippines - Pangungunahan ni Super Grandmaster Wesley So ang national men’s team na ilalaban sa 41st World Chess Olympiad na gagawin sa Tromso, Norway mula Agosto 1 hanggang 15.
Sa komunikasyon na ipinadala ni NCFP president Prospero Pichay kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia kahapon, makakasama ni So sina GM Catalino Sadorra, GM Oliver Barbosa, GM Eugene Torre at GM John Paul Gomez.
Sina Sadorra at Barbosa ay naka-base sa US habang sina Torre at Gomez ang nalagay sa una at ikalawang puwesto sa idinaos na Battle of the Grandmasters kamakailan.
Ang US-base na si GM Rogelio Barcenilla Jr. ang siyang inilagay bilang coach ng koponan na magtatangkang pantayan o higitan ang pinakamagandang ikapitong puwestong pagtatapos ng Pilipinas na nangyari noong 1988 sa Thessaloniki, Greece.
Magpapadala rin ang NCFP ng panlaban sa kababaihan at ito ay bubuuin nina WIM Cheradee Camacho, WIM Catherine Perena,WFM Janelle Mae Frayna, WNM Jan Jodilyn Fronda at Christy Larniel Bernalos. Si NCFP executive director GM Jayson Gonzales ang mauupo bilang coach ng koponan.
Ang pagkakalagay kay So ay ginawa kahit wala pang kasiguruhan kung sasama ang 20-anyos GM sa Pambansang koponan.
Sa pagkapasok ng pangalan ni So sa line-up, inaasahang ibabalik ng PSC ang buwang P40,000.00 allowance nito na pansamantalang itinigil matapos lumabas ang mga pahayag ng manlalaro sa internet.
Ang line-up na ito ay para sa PSC lamang at puwede pa itong mabago dahil ang final line-up sa Olympiad ay isinusumite sa araw ng manager’s meeting.