MANILA, Philippines - Handa sa giyera ang mga military teams na Philippine Army at Philippine Air Force nang daigin ang mga nakatunggali sa pangalawang araw ng aksyon sa Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Rachel Ann Daquis ay mayroong 10 kills, 2 blocks at 2 aces tungo sa 14 puntos pero naroroon ang magandang suporta nina Jovelyn Gonzaga at Mary Jean Balse para makasalo ang Lady Troopers sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s.
Tumapos si Gonzaga na kasama si Daquis na pinagkampeon ang FEU sa First Conference, bitbit ang 10 puntos habang si Balse ay may 13 puntos mula sa siyam na kills at tatlong aces.
Hindi rin nagpabaya ang mga inaasahang manlalaro ng Air Spikers na sina Judy Caballejo, Maika Ortiz at Iari Yongco para pamunuan ang 25-22, 25-23, 25-8, panalo sa PNP Patrollers sa ikalawang laro.
Ginamit ng Air Force na kampeon sa Philippine National Games ang kanilang karanasan para maipanalo ang unang dalawang set bago kinapitalisa ang pagkulapso ng Lady Patrollers sa ikatlong set tungo sa unang panalo sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
May 11 kills tungo sa 12 puntos si Caballejo habang tig-10 ang iniambag nina Yongco at Ortiz.
Ang setter na si Dimaculangan ay may 23 excellent sets bukod pa sa apat na service aces para manalo sa tagisan nila ni Mary Jane Ticar na may limang excellent sets mula sa 75 attempts.
Ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng PNP at UP sa liga. (ATan/Merrowen Mendoza-trainee)