MANILA, Philippines - Tatlo pang NBA players ang bibisita sa Pilipinas para makibahagi sa isang charity game laban sa Gilas Pilipinas sa Hulyo 22-23 sa Smart Araneta Coliseum.
Ang mga ito ay sina San Antonio Spurs forward at 2014 NBA Finals Most Valuable Player Kawhi Leonard, Kyle Lowry ng Toronto Raptors at Houston Rockets’ rookie Nick Johnson.
Inihayag kahapon ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manny V. Pangilinan ang pagkakadagdag nina Leonard, Johnson at Lowry sa grupo ng mga NBA stars na sasagupa sa Gilas Pilipinas sa tinaguriang “Gilas’ Last Home Stand” sa pamamagitan ng kanyang Twitter account na @iamMVP.
“Excited to greet the 1st of July w news that Nick Johnson, Kyle Lowry, & FINALS MVP Kawhi Leonard joining us for PLDT’s #GilasLastHOMEStand,” wika ni Pangilinan sa kanyang Twitter.
Ang mga naunang inilista ni Pangilinan ay sina Blake Griffin ng Los Angeles Clippers, Damian Lillard ng Portland Trail Blazers, Paul Pierce ng Brooklyn Nets at DeMar DeRozan ng Toronto Raptors.
Pinaghahandaan ng Gilas Pilipinas ang pagsabak sa FIBA World Cup na nakatakda sa Agosto 30 hanggang Setyembre 14 sa Spain.
Ito ang ikalawang pagkakataon na dadalhin sa bansa ni Pangilinan ang mga NBA stars matapos sina Kobe Bryant, ang NBA MVP Kevin Durant, Chris Paul, Derrick Rose, James Harden, Tyreke Evans, Derek Fisher, Derrick Williams at JaVale McGee sa Smart Ultimate All-Star Weekend noong 2011.
Gagawin ding tune up ng Nationals ang nasabing charity game bago sila magtungo sa Miami, Florida para sa isang training camp kasunod ang paglahok sa FIBA-Asia Cup sa Wuhan, China.