MANILA, Philippines – Pinaganda pa ni Samahang Basketball ng Pilipinas president at business tycoon Manny Pangilinan ang sagupaan sa pagitan ng NBA players at Gilas Pilipinas sa pagdating ni 2014 NBA Finals MVP Kawhi Leonard.
Bukod sa San Antonio Spurs forward, palalakasin din nina Kyle Lowry at Houston Rockets' 42nd pick Nick Johnson ang NBA selection team na pangungunahan nina Blake Griffin ng LA Clippers, Paul Pierce ng Brooklyn Nets, Damian Lillard ng Portland Trailblazers at DeMar DeRozan ng Toronto Raptors.
Magtutuos ang NBA players at Gilas Pilipinas sa Hulyo 22-23 sa Smart Araneta Coliseum para sa isang charity event na pakikinabangan ng Philippine Disaster Relief Foundation.
Excited to greet the 1st of July w news that Nick Johnson, Kyle Lowry, & FINALS MVP Kawhi Leonard joining us for PLDT's #GilasLastHOMEStand
— Manny V. Pangilinan (@iamMVP) June 30, 2014
Magiging sendoff game din ang laban para sa national basketball team na sasabak sa FIBA World Cup na gagawin sa Spain sa Agosto.
Ito ang regalo ni Pangilinan, na magdiriwang ng kanyang ika-68 na kaarawan, sa mga die-hard fans ng basketball.
Una niya itong ginawa noong 2011 kung saan mas mabibigat na pangalan ang dumating kabilang sina Kobe Bryant, Kevin Durant, Derrick Rose, Derrick Williams, Derek Fisher, Tyreke Evans at JaVale McGee.