Army, Air Force sososyo sa itaas

Laro Ngayon

(The Arena, San Juan City)

2 p.m.  UP vs Army

4 p.m.  Air Force vs PNP

 

MANILA, Philippines - Saluhan ang dalawang koponan sa liderato ang nais gawin ngayon ng military teams na Philippine Army at Philippine Air Force sa pagpapatuloy ng aksyon sa Shakey’s V-League Season 11 Open Confe­rence sa The Arena sa San Juan City.

Bitbit ang mga matitikas at beteranong manlalaro, ipinalalagay na madaling aalpasan ng Lady Troopers at Air Women ang hamon ng UP at PNP Responders para malagay sa unang puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Sa ganap na alas-2 ng hapon matutunghayan ang aksyon sa pagitan ng Lady Troopers at Lady Maroons at mangunguna sa Army ang mahuhusay na sina Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga.

Ang dalawa ang siyang tumayong puwersa ng FEU Lady Tamaraws pa­ra mapagharian ang First Conference laban sa pinaborang dating kampeon National University.

Nasa koponan din ang mga dating MVPs ng ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa na sina MJ Balse, Michelle Carolino at Nene Bautista habang ang mahusay na setter na si Tina Salak ay kasama pa rin ng koponan.

Hindi naman magpapaiwan kung lakas ng koponan ang pag-uusapan ng Air Women na siyang kinilalang kampeon sa Philippine National Games noong Mayo.

Sina Joy Cases, Iari Yongco, Judy Caballejo, Maika Ortiz, Sandra delos Santos at Rhea Dimacula­ngan ang mga matutulung-tulong para pasiklabin agad ang kampanya ng koponan.

Dahil natalo sa kanilang unang laro kaya maaasahan na gagawin ng Lady Maroons at Lady Patrollers ang lahat para makaba­ngon sa labang ito.

Nakitaan ng magandang laro sina Katherine Bersola at Nicole Tiamzon matapos magsanib sa 31 puntos at 27 kills sa laro laban sa Lady Bulldogs pero tahimik ang ibang kakampi na hindi dapat mangyari dahil di hamak na mas malakas ang katunggali ngayon.

Kailangan naman ng PNP na kumuha ng mas maraming puntos sa mga manlalaro para makasilat sa laro.

Sa laban kontra sa Ate­neo ay lima lamang ang pumuntos para sa PNP tungo sa straight sets na pagkatalo sa larong tumagal lamang ng 69 minuto.

Show comments