Bosh nagpaalam na rin sa Heat
MIAMI--Nauna si LeBron James at sinundan ni Dwyane Wade matapos ang ilang araw.
At kahapon ay pormal nang inihayag ni Chris Bosh ang paggamit niya ng early termination option sa kanyang kontrata sa Miami Heat.
Sinabi ni Bosh sa Heat na kagaya nina James at Wade ay hindi na niya ilalaro ang huling dalawang taon sa kanyang kontrata para maging isang free agent.
Inaasahan na itong gagawin ni Bosh na magbibigay sa Heat ng financial flexibility para makakuha ng players sa free agent agency market.
“Chris is one of the most versatile and dynamic big men in this league, and he has been an instrumental key to our championship success over the last four seasons,” sabi ni Miami president Pat Riley. “We look forward to meeting with Chris and his agent in the coming days to discuss keeping him in Miami for many years to come.”
Ito rin ang pahayag ni Riley sa naunang desisyon nina James at Wade.
“I like it here,” wika ni Bosh, nagtala ng average na 16.2 points sa nakaraang season, sa naunang panayam sa kanya noong nakaraang buwan.
Katulad ni James, si Bosh ay nakatakda sanang tumanggap sa Heat ng $20,590,000 sa darating na season at $22,112,500 sa 2015-16 season.
Nagdesisyon din si Udonis Haslem na iwanan ang Heat.
Sina James, Wade, Bosh at Haslem ay maaaring pumirma sa ibang koponan, ngunit walang indikasyon na naghahanap sila ng malilipatan.
Sa inaaasahang paglobo ng NBA’s salary cap sa $63.2 milyon sa susunod na season, magkakaroon ang Heat ng spending power para mapanatili sina James, Wade at Bosh.
- Latest