MANILA, Philippines - Sa paglisan ni Dindin Santiago ay may nakahandang kapalit ang National University sa katauhan ng nakababatang kapatid nitong si Jaja.
Gumawa ng 18 kills tungo sa 21 puntos ang 6-foot-4 na si Santiago para tulungan ang Lady Bulldogs sa 18-25, 25-19, 25-22, 25-23 panalo laban sa UP Lady Maroons sa pagsisimula ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nakatuwang ni Santiago si Myla Pablo na may 12 kills upang bigyan ang koponang pumangalawa sa First Conference ng 54-43 bentahe sa attacks.
Si Ivy Perez ay kuminang din sa magkabilang dulo ng court matapos maghatid ng 27 excellent sets na sinahugan pa ng apat na blocks para sa 1-0 karta ng NU sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
May 14 puntos si Pablo, habang pinaghatian nina Siemens Desiree Dadang at Jorelle Singh ang 20 puntos.
Ang Lady Maroons ay pinangunahan nina Katherine Bersola at Nicole Anne Tiamzon sa 17 at 14 puntos at nagsanib sila sa 27 kills.
Gumana naman ang mga inaasahang manlalaro ng Ateneo Lady Eagles patungo sa madaling 25-15, 25-12, 25-21 tagumpay kontra sa PNP Lady Patrollers sa ikalawang laro sa ligang may ayuda ng Accel at Mikasa.
Isa lamang sa 19 puntos ni Valdez ang hindi nanggaling sa atake na karamihan ay mula sa magandang set ni Julia Morado na may 36 excellent sets.
Tanging si Frances Molina ang nasa kondisyon na maglaro para sa PNP sa kanyang 12 puntos upang makasama ang UP sa huling puwesto sa nasabing walong koponang liga.