BELO HORIZONTE, Brazil -- Taliwas sa inaasahan ng lahat, hindi si Neymar, ang poster boy ng Brazil para sa 2014 World Cup, ang naging susi sa tagumpay ng koponan.
Ito ay si goalkeeper Julio Cesar na sumalag sa mga krusyal na pagtatangka ng Chile para kunin ang 3-2 penalty shootout win sa second round ng torneo.
Sa pagkakatabla ng iskor sa 1-1 ay nalagay sa balag ng alanganin ang Brazil nang tumama ang tangkang goal ni Chile forward Mauricio Pinilla sa crossbar sa dulo ng extra time.
Sa final kick ng laro matapos ang dalawang pagsalag ni Cesar sa shootout ay tumama naman ang bola ni Gonzalo Jara sa poste.
“I believe the Brazilian people just needed this,” sabi ni Cesar, nakagawa ng pagkakamali noong 2010 sa South Africa na nagresulta sa kabiguan ng Brazil sa quarterfinal round.
“The players, everybody else, we needed this,” dagdag pa nito.
May tatlong laban pang dapat ipanalo ang home team bago angkinin ang kanilang ikaanim na World Cup title.
‘’Let’s see if we can make fewer mistakes in the next matches,’’ sabi ni Brazil coach Felipe Scolari. ‘’Perhaps next time we won’t be as lucky.’’
Parehong umiskor sa shootout sina Neymar, David Luiz at Marcelo at sinalag naman ni Cesar ang mga penalty kick nina Pinilla at Alexis Sanchez ng Chile.
Makakatapat ng Brazil sa quarterfinals ang Colombia na nagpayukod sa Uruguay, 2-0.