MANILA, Philippines - Sa edad na 62 ay nagkaroon ng bagong karangalan si Grandmaster Eugene Torre.
Mahusay na ginamit ng kauna-unahang GM sa Asia ang Torre Attack na pinasikat ng Mexican GM na si Carlos Torre Repetto para manalo kay 16-anyos IM Paolo Bersamina matapos ang 57 sulungan sa pagtatapos ng 2014 Battle of the Grandmasters kahapon sa PSC Dining Hall sa Rizal Memorial Sports Complex.
Sa pangyayari, si Torre na may apat na panalo, anim na tabla at isang stalemate sa 11 laro ay nakalikom ng nangungunang 23 puntos para kunin ang kanyang kauna-unahang titulo sa nasabing kompetisyon na inorganisa ng National Chess Federation Philippines (NCFP).
“It’s been a while,” nakangiting wika ni Torre na noon pang 2002 huling kinilala bilang isang national champion.
Kapos ng kalahating puntos si GM John Paul Gomez sa 22.5 puntos matapos makipagtabla kay IM Jan Emmanuel Garcia sa kanilang tagisan habang si Bersamina ang kumuha sa ikatlong puwesto sa 19.5 puntos.
Halagang P100,000.00 ang naibulsa ni Torre sa pagkapanalo sa kompetisyong pinangasiwaan ni NCFP executive director GM Jayson Gonzales at ang naabot ay naglagay sa kanya para maging kandidato sa ipadadalang Pambansang koponan sa World Chess Olympian sa Tromso, Norway mula Agosto 1 hanggang 15.
Si WIM Catherine Perena ang nagkampeon sa kababaihan sa kanyang 25.5 puntos para maiuwi ang P30,000.00 unang gantimpala.