MANILA, Philippines - Tinalo ni GM Wesley So si Canadian GM Anton Kovalyov habang nauwi sa tabla ang laro ni Ukraine GM Vassily Ivanchuk at US GM Irina Krush para magkaroon ng pagbabago sa liderato sa 9th Edmonton Chess Festival sa Edmonton, Alberta, Canada kahapon.
Nagkaroon ng dalawang pawn kalamangan si So sa laro nila ni Kovalyov upang makuha ang 59-move panalo gamit ang Catalan game.
May 5.5 puntos na si So papasok sa huling tatlong round at nakita ang sarili na nagsosolo sa itaas ng standings nang nabigo si Ivanchuk na mapangalagaan ang isang pawn na kalamangan kay Krush.
Bumaba ang dating World Challenger na si Ivanchuk sa ikalawang puwesto tangan ang limang puntos.
Dahil sa magandang ipinakikita ng 20-anyos na si So, siya ngayon ay umangat sa FIDE ranking sa 12 puwesto mula sa dating inokupahan na 14th puwesto.
Bitbit ng Filipino GM na nais na lumipat sa US, ang pinakamaganda sa career na 2754 ELO rating.
Kung maipagpatuloy ni So ang magandang ipinakikita at hiranging kampeon sa torneo, hindi malayong pumasok siya sa Top 10 sa FIDE rankings. (ATan)