MANILA, Philippines - Kung si Amir Khan ang tatanungin, mas maganda na sila ni Pambansang kamao Manny Pacquiao ang dapat na pagtapatin dahil sa kanilang makulay na nakaraan.
Sa panayam ng Real TV, sinabi ni Khan na hindi mahihirapan ang tatayong promoter ng laban kung ang pag-promote ng kanilang laban ni Pacman ang pag-uusapan dahil puwedeng pag-usapan ang dating samahan ng dalawang boksingero.
“We used to train together, we were sparring partners, and we used to have the same trainer. We were both world champions at the same time. There is a lot of history there,” wika ni Amir.
Ang 27-anyos British boxer ay dating kampeon sa WBA light welterweight division at ngayon ay kampeon ng WBC Silver welterweight at WBA International welterweight divisions.
Huling lumaban si Khan noong Mayo 3 at tinalo niya si Luiz Collazo para makuha ang dalawang titulo.
Nais ni Khan na pabanguhin uli ang kanyang pangalan na nasira nang nagkasunod ang kanyang pagkatalo sa kamay nina Lamont Peterson at Danny Garcia noong 2011 at 2012.
Kaya umano niyang patikimin ng pagkatalo si Pacquiao dahil sa natutunan noong sila ay magkasabay na nagsasanay.
Si Pacquiao ang hari uli sa WBO welterweight division nang patikimin ng unang pagkatalo ang dating kampeon na si Timothy Bradley sa kanilang rematch noong Abril.
Nakakalendaryo si Pacman na bumalik ng ring sa Nobyembre 22 sa Macau. (ATan)