Si Haya na lang ang nalalabing Pinoy sa Qatar
MANILA, Philippines - Tinapos ni Elmer Haya ang naunang magandang laro na ipinakita ng kababayang si Johann Chua gamit ang 11-8 panalo para siyang sandalan na lalaban sa kampeonato mula sa Pilipinas sa 2014 World 9-Ball Championship noong Huwebes sa Al Saad Sports Club sa Doha, Qatar.
Isang house pro sa ibang bilyaran sa Abu, Dhabi, ang 37-anyos na si Haya na gumasta ng sariling pamasahe para makasali sa kompetisyon na sinahugan ng $200,000.00, ay magtatangka na umabot sa Finals laban kay Niels Feijen ng Netherland kagabi.
Si Feijen ay umabante sa Last Four matapos ang 11-7 panalo kay Carlo Biado ng Pilipinas.
Sina Chang Yu Lung ng Taipei at Albin Ouschan ng Austria ang maglalaban sa isang pares sa semifinals.
Tinalo ni Chang si Shane Van Boening ng USA, 11-8, habang si Ouschan ay nanaig ka Li He Wen ng China, 11-8, sa quarterfinals.
Si Chua na tinapos ang panggugulat ni Qatari Waleed Majid, 11-8, sa Last 16, ang ikalawang sunod na Pinoy na pinagpahinga ni Haya matapos ang 11-8 tagumpay laban kay Raymund Faraon sa nakalipas na round
Ang pumangalawa noong 2013 na si Antonio Gabica ay namaalam sa Last 16 sa kamay ni Ouschan sa dikitang 11-10 iskor.
Naunang umabot sa hill si Gabica, 10-7, pero nagtala ang assistant coach ngayon ng Qatar national team, ng mga errors sa sumunod na apat na racks para mamaalam na.
Ang nanalo sa semis ay nagtuos din sa Finals kagabi.
Halagang $30,000.00 ang premyong mapananalunan ng tatanghaling kampeon sa torneong nilahukan ng 128 manlalaro. (ATan)
- Latest