So giniba ang Canadian, sosyo pa sa liderato

MANILA, Philippines - Hindi pa rin naaawat ang pagpapasikat ni Filipino GM Wesley So sa 9th Edmonton Chess Festival nang kunin ang panalo kay Canadian FIDE Master Alex Yam kahapon sa Edmonton, Alberta, Canada.

Nabutasan ni So ang kingside ni Yam para ma­itala ang 43-moves ng Caro-kann upang itaas ang karta sa 4.5 panalo matapos ang limang rounds.

Hindi naman nagpaiwan si Ukraine GM Vassily Ivanchuk nang kanyang pataubin si Canadian FM Vladimir Pechenkin sa 34-moves ng French Defense at magpatuloy ang pagkakatabla ng dalawang GMs.

Sa isinasagawang Bat­tle of the Grandmasters sa PSC Dining Hall sa Rizal Memorial Sports Complex, tinapos ni Asia’s first GM Eugene Torre ang magkadikit na panalo ni WFM Janelle Mae Frayna gamit ang bihirang gamitin na Trompovsky Opening.

Umabot sa 48-moves ang laro bago nakuha ni Torre ang panalo para sungkitin ang solo-liderato sa kompetisyong inorga­nisa ng NCFP bilang basehan sa dalawang manla­laro na kukunin para ipadala sa World Chess Olympiad sa Tromso, Norway sa susunod na buwan.

May 17 puntos na si Torre at lamang siya ng kalahating puntos sa dating lider na si GM John Paul Gomez na nakihati ng puntos kay GM Joey Antonio sa Bogo-Indian game.

Nasa ikatlong puntos sina IMs Jan Emmanuel Garcia at Paulo Bersamina tangan ang 15 puntos habang nakasunod ang natatanging lady chesser na kasali sa Open na si Frayna at IM Oliver Dimakiling sa tig-13.5 puntos.

 

Show comments