Rojo nagpasikat sa pagwalis ng Argentina sa Nigeria

PORTO ALEGRE, Bra­zil--Inagaw ng defender na si Marcos Rojo ang atensyon na naunang ipinukol kina Lionel Messi at Ahmed Musa nang siya ang naghatid ng winning goal sa 3-2 panalo ng Argentina sa Nigeria sa 2014 World Cup sa Brazil.

Pinatalbog ni Rojo sa kanyang tuhod ang bola mula sa corner kick play para pangunahan ng Argentina ang Group F.

Bago ang pagbibida ni Rojo ay nagpapasikatan sina Messie at Musa na tinapos ang labanan bitbit ang tig-dalawang goals.

Ang mga goals ni Messi ay ginawa sa first half na kinatampukan ng free kick para sa 2-1 kalamangan.

Pero umatake uli si Musa dalawang minuto sa pagbubukas ng second half para maitabla ang laro.

Natalo man ay umaban­te rin ang Nigeria sa knockout round nang tinalo ng Bos­nia and Herzegovina ang Iran, 3-1, sa isa pang laro sa nasabing grupo.

Sapat naman ang 0-0 draw ng France sa Ecuador para umusad ito sa Last 16 mula sa Group E.

May walong goals ang naiskor ng France sa ka­nilang dalawang naunang laro pero nahirapan sila sa depensa ng Ecuador na nag­laro lamang ng 10 players nang nabigyan ng red card si Antonio Valencia bunga ng shin foul kay Lucas Digne.

Anim na palit ang ginawa sa lineup ni French coach Didier Deschamps pero hindi pa rin nagbunga ito para makapuntos sa laban.

May hat trick si Xherdan Shaqiri para sa 3-0 panalo ng Switzerland laban sa Honduras para okupahan ang ikalawang puwesto mula sa Group E na naalpasan ang Group stages.

Kalaban ng Argentina ang Switzerland habang ang Nigeria at France ang magsusukatan sa Round of 16 sa Martes.

 

Show comments