Pirates nakatutok sa Final Four

MANILA, Philippines - Ipagpatuloy ang ma­la­kas na pagtatapos sa nakaraang season ang layunin na itinakda ng Lyceum sa Season 90 NCAA men’s basketball na magsisimula na sa Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sinabi ni Pirates coach Boni Tan na inspirado ang kanyang mga alipores na ipakita ang mas maba­ngis na laro sa hangaring mapaigting din ang paghahangad na maging regular member ng pinakamatandang collegiate league sa bansa,

“Tinapos namin ang Season 89 taglay ang apat na sunod na panalo. Nakarating na kami sa next level at ayaw na namin na bumaba pa. Ang fighting spirit naroroon sa mga players,” wika ni Tan.

Sina Shane Ko, Dexter Zamora at Camerronian guard-forward Issah Mbomiko ang mga mangu­nguna sa laban ng Pirates.

Babalik din sina Triso Lesmoras Jr. at Jeremiah Taladua,  mga nabigyan ng playing time bilang bagito sa liga noong nakaraang taon at lalo pang lalakas  ang kanilang line-up sa pagpasok nina Cameroonian player Essono Mbida at Libyan rookie Seraj Elmejrab.

“Mas malaki kami ng kaunti ngayon compared last year. Ang mga natutunan namin last year hopefully will make us a better team,” dagdag pa ni Tan.

Ang mga players ay inilagay sa isang quarters para mabuo ang samahan na mahalaga sa  hangad na tagumpay.

Pinalakas din ng Pirates ang kanilang coaching staff sa pagkuha sa serbisyo ng beteranong coach na si Glenn Capacio habang ang dating Barangay Ginebra coach na ngayon ay team manager ng koponan na si Alfrancis Chua ay mananatili bilang consultant ng Lyceum.

“Surpassing what we achieved last season is a big task but we will do our best,” ani pa ni Tan.

 

Show comments