Painters tumabla sa 1-1

MANILA, Philippines - Bumalikwas ang Rain or Shine mula sa kabiguan sa Game One para itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-five semifinals series.

Nagposte ng 17-point lead sa third period, binalikan ng Painters ang Alaska Aces, 99-87, sa Game Two ng kanilang semifinals duel para sa 2014 PBA Governors’ Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nauna nang kinuha ng Alaska ang 97-93 panalo sa Game One laban sa Rain or Shine noong Biyernes.

“We just wanted it more than they did today,” sabi ni head coach Yeng Guiao. “Hopefully, we can keep that desire.”

Matapos kunin ng Aces ang 26-22 abante sa first period ay kumamada naman ang Elasto Painters sa likod ni import Arizona Reid para kunin ang 12-point lead, 50-38, sa halftime.

Isang 14-4 atake ang ginawa nina Reid, Beau Belga at Jeff Chan para ilayo ang Rain or Shine sa 64-42 sa 7:56 minuto ng third quarter tampok ang Flagrant Foul Penalty 1 kay Alaska import Henry Walker.

Huling naghamon ang Aces sa 74-83 sa 6:48 ng final canto kasunod ang pagbibida nina Chan, Paul Lee at Chris Tiu para ilayo ang Elasto Painters sa 97-81 sa huling 3:05 minuto.

Samantala, pipilitin naman ng nagdedepensang San Mig Coffee na walisin ang Talk ‘N Text sa kanilang semifinals war sa Game Three ngayong alas-8 ng gabi sa Big Dome.

Tinalo ng Mixers ang Texters sa Game One via overtime, 92-88, at sa Game Two, 93-85, para iposte ang 2-0 lead at makalapit sa kanilang pang-apat na sunod na finals appearance.

 

Show comments