Tambalang huey-inglot kampeon sa Aegon Doubles

MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang taun-taon na may nakukuhang titulo sa ATP ang magkapares na sina Fil-Am Treat Huey at British Dominic Inglot nang pagharian ng dalawa ang Aegon International doubles event na natapos noong Biyernes sa grass court ng Eastbourne, Great Britain.

Hindi ininda nina Huey at Inglot ang dalawang laro na hinarap sa araw na ito nang unang kalusin sina British wildcard bets Colin Fleming at Ross Hutchins, 7-6 (2), 6-3, sa semifinals.

Ang laro ay pagpapatuloy sa naudlot na laban noong Huwebes dahil nagdilim na ang kapaligiran ay hindi pa tapos ang bakbakan.

Ang panalo ay nagtulak sa magkapares na laba­nan ang nagdedepensang kampeon at top seeds na sina Alexander Peya ng Australia at Bruno Soares ng Brazil.

Inabot ng isang oras at 25 minuto ang tagisan at pinalad na nangibabaw sina Huey at Inglot sa super tie-break para kunin ang korona sa 7-5, 5-7, 10-8, iskor.

Ito ang unang kam­peo­nato ng dalawa sa taong 2014 pero ikatlong titulo na sa pangkalahatan dahil nagwagi na sila sa Citi Open sa Washington DC noong 2012 at sa 2013 Swiss Indoors Basel sa Switzerland.

Para makapasok sa Finals, naunang pinadapa nina Huey at Inglot  sina Jaime Murray ng Britain at John Peers ng Australia, 6-3, 7-6 (4), bago isinunod sina second seeds Leander Paes ng India at Aisam Qureshi ng Pakistan, 6-4, 6-3.

Si Qureshi ay naglaro sa Pilipinas noong Abril at binigo niya ang hangarin ng Philippine Davis Cup na inaniban ni Huey, na umabante sa Asia-Oceania Zone Group II Davis Cup semifinals sa 3-2 iskor.

Sasandalan nina Huey at Inglot ang panalong ito para gumanda ang laro sa mas malaking Wimbledon na papalo na sa Hunyo 23.

Noong 2013 ay sumali rin ang tambalan sa nasabing kompetisyon at uma­bot sila sa round-of-16 na kanilang pinakamataas na pagtatapos sa Wimbledon.

 

Show comments