MANILA, Philippines - Inilabas ni McWilliams Arroyo ang porma na naghatid sa kanya sa Olympics nang patulugin sa ikalawang round si Filipino boxer Froilan Saludar sa kanilang IBF flyweight title eliminator kahapon sa Ruben Rodriquez Coliseum sa Bayamon, Puerto Rico.
Dalawang matitinding kaliwang hooks ang ipinatikim ni Arroyo kay Saludar para bumulagta ito.
Naunang natapos ang 10-count ni referee Genero Rodriquez sa tangkang pagbangon ng hilo pang si Saludar para matapos ang sagupaan na inilagay sa 12 rounds sa 2:25 ng round.
Ito ang ika-15 panalo sa 16 laban ng 28-anyos na si Arroyo at ika-13 knockout win para maging number one ranked ang Puerto Rican boxer sa dibisyong dinodomina ni Amnat RuenÂÂroeng ng Thailand.
Ang impresibong paÂnalo ay nagpatunay na hindi naapektuhan si Arroyo ng mahigit na 16 buwan na pahinga sa pagbo-boxing.
Makulay ang amateur boxing career ni Arroyo dahil gold medalist siya sa flyweight sa 2009 Milan World Championships.
Noong 2008 ay naglaro rin siya sa Beijing Olympics at siya ang itinalaga bilang flag bearer ng kanyang bansa.
Ito naman ang unang pagkatalo ni Saludar matapos ang 21 laban at naunsiyami ang hangarin ng 25-anyos na boksingero na mapalaban sa lehitimong titulo ngayong taon.