Lady Troopers iginapos ang Raiders

Nasapol ng bola  sa mukha si Jovelyn Gonzaga (8) nang lumusot ito sa depensa nina Tina Salak (17), Christine Agno (15) at Jaqueline Alarca ng Generika-Army laban sa RC Cola. (Joey Mendoza)

Laro sa Hulyo 2

(Cuneta Astrodome)

2 pm Generika-Army

vs Petron  (Women’s)

4 pm Systema

vs Via Mare (Men’s)

6 pm PLDT Home TVolution vs Cignal HD (Women’s)

 

MANILA, Philippines - Binigo ng Generika-Army Lady Troopers ang balak ng RC Cola-Air Force Raiders na okupahan na ang puwesto sa semifinals sa 2014 PLDT Home-Phi­lippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference nang ipalasap ang 25-21, 27-29, 25-20, 25-21, pagkatalo kahapon sa Cuneta Astrodome.

Si Nene Bautista ay may 13 kills tungo sa na­ngu­ngunang 16 puntos ha­bang sina Jovelyn Gon­­zaga at Tina Salak ay naghatid pa ng 14 at 10 puntos para isulong din ng Lady Troopers ang winning streak sa tatlong sunod sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa suporta ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.

May limang blocks pa si Salak para makatulong sa depensa ng nanalong koponan.

Sina Joy Cases at Iari Yongco ay may tig-16 puntos para sa Raiders na nilasap ang ikalawang pagkatalo matapos ang anim na laro at naunsiyami ang planong hawakan ang unang puwesto sa Final Four.

Ang liga ay magpapahinga ng dalawang linggo at babalik sa Hulyo 2 para magbigay daan sa Cagayan Friendship Games.

“Pareho kami ng istilo ng laro kaya ang sinabi ko sa kanila ay sikapin na ma-stop ang opensa ng kalaban,” wika ni Lady Troopers mentor Rico de Guzman na nakasalo ngayon sa AirAsia (3-2) sa ikatlong puwesto.

Matapos itabla ang best-of-five sets sa 1-1 ay naipagpatuloy ng Raiders ang momentum sa ikatlong set nang hawakan ang 8-2 kalamangan.

Pero nagtulong-tulong sina Salak, Bautista at Rachel Ann Daquis upang makabangon ang koponan at maipanalo ang set tungo sa tagumpay.

Show comments