US naisahan ang Ghana, Mueller umiskor ng hat-trick sa pagdurog ng Germany sa Portugal

Umiskor si Thomas Mueller ng Germany laban sa Portugal’s defender na si Ricardo Costa sa kanilang laban sa Group G sa FIFA World Cup sa Brazil.

SALVADOR, Brazil--Nagtala ng hat-trick si Tho­mas Mueller para igiya ang Germany sa 4-0 panalo laban sa 10-kataong Portugal sa pagbubukas ng aksyon sa Group G sa World Cup dito.

Si  Mueller ay umiskor sa 12th, 45th at 81st minute ng labanan para durugin ang Portugal na ibinabandera ni FIFA World Player of the Year Cristiano Ronaldo.

Ito rin ang ika-100th match ng Germans sa World Cup upang mapaig­ting ang tagumpay.

“To score three goals in the World Cup opener against such an opponent is great,” pahayag ni Mueller na noong 2010 World Cup ay nagtala ng limang goals.

Itinanghal si Clint Demp­sey bilang kauna-unahang US player na nakaiskor sa tatlong World Cups sa 2-1 panalo sa Ghana sa isa pang Group G match.

Si Dempsey ang nagbigay ng 1-0 kalamangan sa US matapos lamang ang 29 segundo sa laro para maging ikalimang pi­na­kamaagang goal sa kasaysayan ng World Cup.

Ngunit kinailangan pa ng koponan ang pagbibida ni John Brooks na binawi ang panablang goal ni Andre Ayew ng Ghana nang nakaiskor sa 86th minute at kunin ang panalo.

Masasabing magkari­bal ang US at Ghana sa World Cup dahil ang huli ang nagpatalsik sa Americans sa huling dalawang edisyon ng prestihiyosong torneo sa football.

Nauwi naman sa scoreless draw ang laban ng Iran at Nigeria sa Group F.

Show comments