Lim kampeon sa Florida netfest

MANILA, Philippines - Hindi natalo ng isang set si Alberto Lim Jr. para katampukan ang dominanteng paglalaro na ipinakita sa Andy Lake Pearl Level 7 tournament kamakailan sa Hawws Landing title sa Florida, USA.

Ang 6-0, 6-0, tagumpay  ni Lim kay Roberto Guerrero ng Plantation, Florida ang tumapos sa kahanga-hangang ipinakita sa kompetisyong bukas para sa 18-anyos pababa at binasbasan ng United States Tennis Association (USTA).

Nakasali ang 15-anyos Filipino netter dahil entrada siya ng L’Academie de Tennis sa US na kung saan siya nagsasanay.

Ito ang ikalawang international title ni Lim matapos magtagumpay sa China Junior Open noong Mayo ngunit tunay na inilampaso niya ang mga katunggali sa Florida dahil pawang sa straight sets siya nanaig.

Kasama sa pinabagsak ni Lim na pumangalawa sa Philippine National Games, ang top seed na si Sebastian Serrano ng Doral, Florida, 6-1, 6-1.

Sa ngayon, si Lim ay naglalaro sa Plantation Open Circuit III sa Florida at mas mabigat na kompetisyong ito dahil itinalaga ito bilang ‘Intermediate Advanced” sa skill level.

Dahil sa bigatin ang kompetisyon, ang mga manlalarong papasok sa unang 16 puwesto ay ma-bibigyan ng pagkakataon na sumali sa main draw sa Futures bago matapos ang taon.

Nakaisang panalo na si Lim laban kay Christopher Kinigopoulo ng Sunny Isles Beach, Florida gamit ang 6-2, 3-0 (ret) iskor.

 

Show comments