‘Super Mario’ nagbida sa panalo ng Italy sa WC

MANAUS, Brazil--Kina­pitalisa ni Mario Balotelli ang pagiging libre nang ibigay ang go-ahead goal na nagtulak sa Italy sa 2-1 panalo sa England sa pagpapatuloy kahapon ng World Cup.

Naiwan ang defender na si Gary Cahill tungo sa isang header ni Balotelli mula sa cross ni Antonio Candreva sa 50th minuto ng labanan.

Si Claudio Marchisio ang unang nagbigay ng goal para sa Italy sa 35th minuto nang tila naka­hanap ng daan ang sinipang bola para malusutan ang nag-dive na goalkeeper na si Joe Hart.

Pero dalawang minuto matapos nito ay nakatabla ang England sa pamamagitan ni Daniel Sturridge mula sa cross ni Wayne Rooney.

Napantayan ng Italy sa unang puwesto ang Costa Rica habang ang England ay nakasalo sa Uruguay sa 0-1 karta sa Group D.

Tinalo ng Costa Rica ang Uruguay, 3-1, para pahirapan ang 2010 semifinalists na umabante sa susunod na round.

Nalusutan ng Cote d’Ivoire ang Japan, 2-1, ha­bang inilampaso ng Colombia ang Greece, 3-0, sa mga laro sa Group C.

Magagandang pasa mula kay Serge Aurier ang ginawang goals nina Wilfried Bony at Gervinho para balewalain ang 1-0 kalamangan ng Japan ma­tapos lamang ang 16 minuto na naihatid ni Shinji Kagawa.

Sina Pablo Armero, Teofilo Gutierrez at James Rodriguez ang mga gumawa para sa Colombia para magkaroon ng ningning ang kanilang pagbabalik sa prestihiyosong kompetisyon sa football.

Noon pang 1998 hu­ling sumali ang Colombia sa World Cup at ang panalo ang nagpaganda sa kanilang tsansa na umabante  mula sa Group C.

 

Show comments