SAO PAULO-- Umiskor ng dalawang goals si Neymar para itulak ang host Brazil sa 3-1 panalo sa Croatia sa pagsisimula ng World Cup noong Huwebes.
Umabot sa 62,103 ang taong nanood sa laro na ginawa sa bagong gawang ltaquerao Stadium at ang pagbibida ng 22-anyos na si Neymar ang tumabon sa masamang panimula.
Nagulantang ang mga manonood nang kinuha ng Croatia ang 1-0 kalamangan dahil sa own goal ni MarÂcelo matapos lamang ang 11 minuto ng labanan.
Pero isinalba ni Neymar sa kahihiyan ang kanyang bansa nang naitabla ang laro sa 28th minute matapos gamitin ang goal post para malusutan ang depensa.
Nagkaroon pa ng break ang Brazil nang nabigyan ng penalty kick sa tila mahinang foul mula sa Croatian defender na si Dejan Lovren laban kay Fred.
Si Neymar ang kumuha nito para ibigay na ang kalamangan sa Brazil sa 71st minute bago ang kakamping si Oscar ang umako sa ikatlo at huling goal ng labanan.
Habang malaking selebrasyon ang nangyari sa loob ng stadium, sa labas naman ay patuloy ang protesta ng mamamayan ng Brazil dahil sa tulol sila sa malaking gasÂtos na itinapon sa hosting.
Ang protesta ay ginagawa sa Sao Paulo, Rio de Janeiro, Proto Alegre, Brasilia at Belo Horizonte at hindi tanggap ng mamamayan ang $11.5 bilyon pondo na iginugol sa World Cup lalo pa’t hindi naibibigay ng pamahalaan ang kanilang pangangailangan.