Yumuko kay Chang sa finals Ignacio 2nd sa China open

MANILA, Philippines - Bumigay ang baguhang si Jeffrey Ignacio sa pinakamalaking laban nang yumuko kay Chang Yu-Lung ng Chinese Taipei, 5-11, sa China Open 9-Ball men’s division finals noong Linggo sa Pudong Yuanshen Stadium sa Shanghai, China.

Nagkaroon ng mga errors ang bagong tuklas ng Bugsy Promotions na agad na sinamantala ng Taiwane­se cue-artist tungo sa kampeonato at maibulsa ang $40,000.00 unang gantimapala.

Nasungkit naman ni Ignacio ang $20,000.00 sa kanyang unang mala­king kompetisyon sa labas ng bansa at tiyak na tataas ang morale nito sa pagharap sa mga susunod na kompetisyon.

Si Carlo Biado ay  nagkaroon ng $10,000.00 nang umabot sa semifinals katulad ni Taiwanese player Chang Jung-Lin habang si 2013 champion Lee Van Corteza ay nakontento sa pagkakataong ito sa gantimpalang $6,000.00 matapos umabante ng hanggang quarterfinals.

Ang iba pang Filipino pool players na sina Dennis Orcollo at Johann Chua ay nagbitbit ng tig-$3,000.00 sa pagtapak sa quarterfinals.

Ang manlalaro ng Chi­na na si Han Yu ang siyang kinilalang kampeon sa kababaihan sa 9-5 panalo laban kay dating world champion Ga Young Kim ng Korea.

Halagang $32,000.00 ang naiuwi ni Han habang $16,000.00 ang napunta kay Ga.

Ang lahok ng Pilipinas na si Rubilen Amit ay may $4,500.00 nang nakapasok hanggang quarterfinals.

 

Show comments