Sonsona tinalo si Vasquez sa rematch para angkinin ang NABF Featherweight title

Ang headlock ni Marvin Sonsona kay Wilfredo Vas­quez, Jr. sa seventh round sa kanilang rematch.  

MANILA, Philippines - Tinupad ni Marvin “Marvelous” Sonsona ang pa­ngakong ipaghihiganti ang natatanging pagkatalo sa kan­yang boxing career nang hiritan ng split decision si Wilfredo Vasquez Jr. sa kanilang rematch kahapon sa Ma­dison Square Garden sa New York.

Sa first round ay pinatumba ni Sonsona si Vasquez pe­ro hindi niya nagawang kumpletuhin ang hanap na KO panalo dahil determinado rin ang Puerto Rican boxer.

Naging madumi ang laban dahil maraming beses ang tulakan at akapan ng dalawa at si Sonsona nga ay nabawasan pa ng isang puntos sa sixth round nang sun­tukin ang katunggali sa likod ng kanyang ulo.

Pero sapat ang ipinakitang galing sa ring ni Sonsona pa­ra makuha ang pagsang-ayon ng mga huradong si­na Julie Lederman at Michael Pernick na nagbigay sa kanya ng 96-92 panalo.

Si John Porturaj naman ang pumanig kay Vasquez sa 96-92 iskor.

Taong 2010 noong unang nagkrus ang landas nina Son­sona at Vasquez at kahit maganda ang panimula ng 23-anyos na tubong General Santos City fighter ay na­pabayaan niya ang sarili para matapos sa pamamagitan ng fourth round knockout.

Umakyat si Sonsona sa 19-1-1 karta at nailista ang ika-limang sunod na panalo.

Ito rin ang ikalawang sunod na panalo ni Sonsona sa ta­on matapos ang third round knockout kay dating world champion Akifumi Shimoda ng Japan noong Pebrero at nasungkit din ng dating WBO super flyweight champion ang bakanteng NABF featherweight title.

Ikaapat na pagkatalo sa 28 laban ang nailista ng 29-anyos na si Vasquez at napatotohanan ang pagbaba ng kalidad ng dating WBO super bantamweight king.

Si Sonsona rin ang ikalawang Filipino boxer na nag­pa­tikim ng kabiguan kay Vasquez matapos ang split de­cision panalo ni Nonito Donaire Jr. noong 2012.

 

Show comments