Muling sasampa ng ring ngayong araw na ito si Marvin Sonsona, ang batang Pinoy boxer na minsan ay naging world champion.
Marvelous ang palayaw ni Marvin. Kung seseryosohin lang niya ng husto ang boxing, bagay na bagay itong itawag sa kanya.
Marami kasi ang nagduda sa kanya dahil sa mga pangyayari nung mga nakaraan na taon.
Naging WBO super-flyweight champion si Marvin nung 2009 nang talunin niya si Jose Lopez ng Puerto Rico sa Ontario, Canada.
Sumikat at napag-usapan si Marvin. Maganda ang ipinakita. Nagkaroon siya ng pera. Kaya lang, mukhang maagang pumasok sa ulo ang kasikatan.
Ibang lifestyle ang pinasok ni Marvin. Dahil bata, halos 20 anyos pa lang, mahilig sa party. Nakalimutan yata na world champion siya.
Kaya sa sunod niyang laban kay Alejandro Lopez ng Mexico, mahigit dalawang buwan lang ang nakalipas matapos siyang mag-champion, hindi niya nakuha ang timbang.
Sa draw natapos ang laban. Tanggal ang titulo sa kanya.
Nasundan ito ng laban niya kay Wilfredo Vasquez Jr. sa Puerto Rico. Olats si Marvin. Knocked out siya sa fourth round. Tapos ang maliligayang araw.
Ayaw na daw niyang mag-boxing. Halos mag-give up na ang kanyang mga promoters.
Pero isang araw ay nagising si Marvin sa katotohanan. Bumalik sa training at muling nag-pursigi. At maaga itong nagbunga ng tatlong dikit na panalo.
Sa Macau, nito lang Pebrero, bumalik ang dating laro niya. Pinatulog niya si Akifumi Shimoda ng Japan sa loob lang ng three rounds.
Masaya na naman si Marvin.
Ngayong tanghali gaganapin ang rematch nila ni Vasquez sa New York para sa vacant na NABF feaÂtherweight title. Marami ang umaasa kay Marvin. Undercard siya ni Miguel Cotto at Sergio Martinez.
Sana ay magpakita siya ng maganda.
At matawag muling Marvelous.